Paano Ako Nagsimulang Magsulat

Hindi ito kwento kung paano ako  tinuruan magsulat ng mga letra ng aking nanay nung ako ay nasa nursery pa lamang. Kwento ito kung paano ako nagsimulang magkwento ng mga kwento na nangyayari sa pangaraw-araw ko na buhay.

Nalaman ko ang tungkol sa pagsusulat nung ako ay Grade 6 pa lamang. Naalala ko noon, lunch break namin nang tawagin ako ng aming guro na lumapit sa kanyang mesa. Madalas naman niya akong tawagin ngunit may kaunting pagtataka parin sa akin noong araw na iyon. Paglapit ko, inabutan nya ako ng 1/2 crosswise na papel at sinabihan ako na magsulat tungkol sa paksa na kanyang binigay. Hindi ko na maalala kung anong paksa iyon, ngunit natatandaan ko na habang isinusulat ko iyon, kumportable ako. Isinulat ko lamang kung ano ang naiisip ko. Doon nagsimula ang lahat.

Sunod-sunod na ang mga contest na sinalihan ko. Sa loob o sa labas man ng paaralan. Filipino o English. Halos araw araw may pagsananay. Di mo masasabing pormal, dahil wala naman talagang objective criticism na ginagawa sa bawat output. Basta magbibigay lang ng paksa, at isulat mo ang tingin mo ay mukhang makakapagpapanalo sa iyo sa kumpetisyon. Minsan nananalo, minsan natatalo. Pero actually madalas nananalo.

Noon ko naisip na baka nga para sa akin ang pagsusulat. Ang totoo niyan, bata pa lamang ako, madalas ko ng pinaglalaruan ang typewriter ng aking tiyuhin noong siya ay natira sa amin. Isa syang nobelista. Kaya may mga pagkakataon, na nagsusulat din ako ng aking nobela ngunit wala namang natatapos. Madalas din akong gumagawa ng istorya sa aking isipan na tinutuloy-tuloy ko lamang pag pinipilit ko ang aking sarili na matulog. Ngunit wala naman sa mga ito ang talagang aking naisulat.

Noong tumuntong ako ng high school, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat. Sabi nila, may talento daw ako. Sumali ulit ako sa mga essay writing contest sa paaralan na madalas ay naipapanalo ko naman kahit ako ay nasa unang taon pa lamang. Sumali ako sa school paper organization at doon masasabing nahasa kung anuman ang meron ako. Pero kulang parin talaga.

Mas gusto ko ang magsulat ng kwento. Mga tinatawag na creative writing. Mas exciting, mas binabasa. Ngunit dahil narin sa katamaran ko sa pagbabasa ng mga aklat na may mahahabang deskripsyon, hindi lumawak ang aking bokabularyo at walang kakayahan ang aking panulat upang dalhin ang mambabasa sa mundo ng kanilang binabasa. Straightforward daw ang aking estilo. Kaya nanatili ako sa pagsusulat ng editoryal at ng balita. Naging tagumpay naman ako sa larangang iyon. Nanalo ng mangilan-ngilang award ngunit hindi parin sapat.

Kaya pagdating ng kolehiyo, binitiwan ko ang pagsusulat. Pakiramdam ko, wala naman talaga akong talento lalo na kung ihahambing sa iba na talagang hasang-hasa sa pagsusulat. Ilang beses kong pinag-isipan ang pagsali sa Kule, ngunit nawalan ako ng kumpyansa sa aking sarili. Ang sabi ko, mag-dodoktor na naman ako, hindi ko na magagamit ang pagsusulat.

Hindi ko na magagamit ang pagsusulat. Ngunit sa mga nagdaang taon, pagsusulat ang aking naging sandigan sa mga hirap na pinagdaanan ko. Mula sa hirap sa eskwela, sa pangarap na pagdodoktor, sa pag-ibig na hindi nakamit, sa pagsusulat ako tumakbo. Ilang blog entry na ba nanatiling unpublished ang naisulat ko? Hindi ko na mabilang. Nabura man ang halos lahat sila, o nanatili sa scratch paper, ang mga ito ang siyang naging susi para mailabas ko ang nasasaloob ko.

Kaya napagtanto ko, hindi sa lahat ng oras ang pagsusulat ay para sa mambabasa. Mas madalas para ito sa nagsusulat. Para mailabas ang mga natatagong damdamin: pag-ibig, pagkamakabayan, galit, kalungkutan. Hindi mo kailangang maging kasing galing ng mga naglalathala sa pahayagan para matawag mo ang iyong sarili na isang manunulat. Hangga’t mga kataga ang ginagamit mo upang maipahayag mo ang nasasaloob mo, isa kang manunulat. Filipino, Ingles, Chinese, Espanyol, pormal man o salitang kalye o beki ang gamit mo, manunulat ka. Manunulat ako.

Advertisements